Nangangailangan ng mga kasambahay mula sa Pilipinas ang bansang Japan at ang itatawag sa kanila ay "housekeepers."

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa Unang Balita, sinabi umano ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na naidagdag na sa listahan ng ahensya ang Japan sa mga bansang tumatanggap ng mga domestic helper mula sa Pilipinas.

Magsisimula sa June 19 ang proseso sa pagtanggap ng mga application para sa housekeeping job sa Japan, ayon sa ulat.

Kailangan na may isang taong karanasan ang aplikante at mayroong "Level 2" certification mula TESDA-accredited training center. Dapat din umanong marunong mag-Niponggo ang mag-a-apply.

Sa panayam kay POEA administration Hans Leo Cacdac, hindi pwedeng makitira ang housekeeper sa bahay ng amo sa Japan, hindi tulad sa ibang mga bansa na pinupuntahan ng Pinoy domestic helpers.

Hahanapan umano ng sariling matitirhan ang mga dayuhang housekeeper, pero sagot nila ang sariling pagkain at upa sa bahay.

Sinabi rin ni Cacdac sa GMA News, "Nasa kultura kasi ng mga Hapon na hindi masyadong malalaki ang mga bahay nila. They're not used to having a stranger sa bahay nila."

"They [housekeepers] can enjoy free time on their own, 'di nila kailangang makibagay," dagdag ni Cacdac.

Aniya, 40 hours a week lang o 8 oras kada araw na may dalawang araw na day off ang patakaran sa pagtatrabaho ng housekeeper.

At kung 30 hours a week ang trabaho, 'di sila pwedeng swelduhan ng mas mababa sa katumbas na sahod ng 35 oras kada linggong trabaho, ayon kay Cacdac.

Susundin din umano ng mga employer ang minimum wage sa Kanagawa Prefecture, kung saan ipa-pilot ang programa.

Aabot sa 136,203 yen (P 58565.38) kada buwan and sahod ng housekeeper sa prefecture. Ibawas ang buwis at insurance, pagkain at upa sa bahay, magiging 59,859 yen o P25,739 ang net pay ng mga kasambahay doon.

Dapat din umanong may kontratang dapat sundan ang mga recruiter at employer.

"Sa check and balance, from the Japan side, may 3rd-party Labor Management Council sa Kanagawa Prefecture, doon may registration ang employers at pwedeng magsampa ng kaso, sa Philippine side naman, ang labor attache natin at Consulate sa Osaka na malapit sa Kanagawa Prefecture," pahayag ni Cacdac.

Simula sa June 19, sa loob ng dalawang buwan, maaaring tingnan ang mga available na job order at licensed recruiter sa website ng POEA.

Nilinaw ni Cacdac na lahat ng job order ay kailangang dumaan sa recruiter at sa POEA. — LBG, GMA News

- See more at: http://www.gmanetwork.com/news/story/569160/news/ulatfilipino/japan-nangangailangan-ng-pinoy-housekeepers#sthash.lajxt1pk.dpuf